Nagsimula nang gumawa ng legal na hakbang ang kampo ng kontratistang si Curlee Discaya upang makalaya pansamantala mula sa pagkakadetine matapos itong magsumite ng petition for bail kaugnay ng kasong isinampa laban sa kanya dahil sa umano’y maanomalyang flood control projects sa Bulacan.
Kinumpirma ng kanyang abogado na si Cornelio Samaniego III na inihain na sa korte ang petisyon, kahit kabilang ang kinahaharap na kaso sa mga karaniwang itinuturing na non-bailable offenses.
Ipinaliwanag ni Samaniego na may proseso pa ring sinusunod ang hukuman upang matukoy kung maaaring pagkalooban ng piyansa ang isang akusado. Kabilang dito ang pagsusuri kung sapat at matibay ang ebidensyang iniharap ng prosekusyon laban sa nasasakdal.
Nakadepende ngayon sa magiging pagdinig ng korte kung mapapatunayan ng prosekusyon na malakas ang kanilang kaso o kung mabibigyan ng pagkakataon si Discaya na makapagpiyansa habang nagpapatuloy ang paglilitis.
Matatandaang inaresto si Discaya noong Hunyo 8, 2026 matapos sampahan ng kasong malversation of public funds through falsification of documents kaugnay ng umano’y iregularidad sa pagpapatupad ng ilang flood control projects sa Bulacan.
Sa kasalukuyan, nananatili siyang nakakulong sa Bulacan Provincial Jail kasama ang iba pang mga personalidad na nadawit sa kaso, habang hinihintay ang susunod na mga hakbang sa pagdinig ng korte.













