-- ADVERTISEMENT --

Malugod na tinanggap ni Senador Risa Hontiveros ang desisyon ng Korte Suprema na ideklarang unconstitutional o labag sa Konstitusyon ang probisyong nag-aatas sa mga marino na maglagak muna ng bond bago makuha ang kanilang ipinagkaloob na kabayaran habang may nakabinbing apela.

Ayon kay Hontiveros, hindi makatarungang obligahin pang maglabas ng karagdagang pera ang mga marino na nanalo na sa kanilang labor cases upang maipatupad ang desisyon ng korte. Aniya, lalo itong nagpapahirap sa mga manggagawang kapos sa pinansyal na nangangailangan ng pera para sa gamot at iba pang pangunahing pangangailangan.

Matatandaang tinutulan na ng senador ang naturang kondisyon noong pinagdedebatehan pa sa Senado ang Republic Act No. 12021 o Magna Carta of Filipino Seafarers. Bumoto rin siya laban sa ratipikasyon ng bicameral conference committee report dahil sa paniniwalang naglalagay ito ng hindi patas na pasanin sa mga marino.

Sa desisyong inilabas noong Nobyembre 16, pinawalang-bisa ng Supreme Court En Banc ang Section 59 ng naturang batas, na nag-aatas ng bond bago maipatupad ang monetary awards na ipinagkaloob ng korte habang dinidinig ang apela o judicial review.

Ipinaliwanag ng Korte Suprema na nagiging dagdag na hadlang ito sa mga marino na nakakuha na ng paborableng desisyon at hindi rin patas dahil walang kaparehong requirement para sa ibang manggagawa.

Nagpasalamat naman si Hontiveros sa mga marino at grupong nagsulong ng petisyon laban sa naturang probisyon.

Tiniyak din ng senador na ipagpapatuloy niya ang pagsusulong ng mga panukala at hakbang na magtatanggol sa karapatan, proteksiyon at kapakanan ng mga marino at iba pang manggagawang Pilipino.