Tuluyan nang nawalan ng puwesto sa House of Representatives si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga matapos pagtibayin ng malaking mayorya ng mga mambabatas ang rekomendasyon ng House Committee on Ethics and Privileges na siya ay tanggalin bilang miyembro ng Kamara.
Ayon kay Ethics Committee Chairman Joseph Stephen Paduano Abalos, nakita ng komite na paulit-ulit na lumabag si Barzaga sa mga pamantayan ng asal at pag-uugaling inaasahan sa isang miyembro ng House of Representatives.
Kabilang sa mga paglabag na binanggit ng komite ang umano’y madalas na panggagambala sa mga plenary session, panunuya sa liderato ng Kamara kabilang si dating House Speaker Martin Romualdez, at pagsasagawa ng hindi awtorisadong live broadcast na may mga umano’y mapanirang pahayag habang isinasagawa ang deliberasyon sa pambansang badyet.
Binigyang-diin ni Abalos na ang mga naturang aksyon ay hindi naaayon sa inaasahang asal ng isang mambabatas at nakaaapekto sa integridad at kaayusan ng institusyon.
Sa isinagawang botohan, mahigit dalawang-katlo ng mga miyembro ng Kamara, o 265 mambabatas, ang bumoto pabor sa committee report na nagrerekomenda ng kanyang pagpapatalsik.
Bago pa man ang botohan, inihayag na rin ni Barzaga na inaasahan niyang maaaprubahan ang rekomendasyon laban sa kanya. Matatandaang dalawang beses na siyang nasuspinde ng tig-60 araw dahil sa mga social media post na naglalaman ng mga akusasyon laban sa kapwa mambabatas at ilang matataas na opisyal ng pamahalaan.
Sa desisyong ito, tuluyan nang nabakante ang kinatawan ng ikaapat na distrito ng Cavite, na inaasahang mangangailangan ng mga susunod na hakbang upang mapunan ang puwesto alinsunod sa umiiral na batas.













