-- ADVERTISEMENT --

Tatlong buwan matapos ipatupad ng Australia ang pagbabawal sa paggamit ng social media ng mga wala pang 16-anyos, lumabas sa isang pag-aaral na marami pa ring kabataan ang patuloy na nakakagamit ng mga online platform.

Ayon sa eSafety, ang internet safety regulator ng bansa, hindi naging sapat ang age verification system ng ilang social media companies kaya marami pa ring menor de edad ang nakalulusot at nakakagawa ng mga bagong account.

Batay sa pag-aaral, halos walang malaking pagbabago sa dalas ng paggamit ng social media ng mga batang edad 10 hanggang 15 kahit ipinatupad na ang bagong batas.

Bagama’t nabawasan ang bilang ng mga kabataang may sariling social media account, nananatili pa ring mahigit 80 porsiyento ang gumagamit ng mga platform gaya ng YouTube, TikTok, Snapchat, Facebook, at Instagram.

Dahil sa mga natuklasan, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pamahalaan ng Australia laban sa ilang malalaking tech companies upang alamin kung nabigo silang ipatupad nang maayos ang itinakdang regulasyon.

Matatandaang ang Australia ang unang bansa na nagpatupad ng nationwide ban sa social media para sa mga wala pang 16 taong gulang, na layong maprotektahan ang kalusugan at kapakanan ng mga kabataan sa paggamit ng online platforms.