-- ADVERTISEMENT --

Humingi ng paumanhin si Atty. Michael Poa, miyembro ng defense panel ni Vice President Sara Duterte, sa kampo ni dating Vice President Jejomar Binay matapos niyang mabanggit sa Senate impeachment trial na mayroon ding confidential funds ang Office of the Vice President (OVP) noong 2014.

Sa isang press conference noong Martes, sinabi ni Poa na wala siyang layuning isama o idamay si Binay sa usapin.

“I have to apologize if I have offended anyone from VP Binay’s camp. I didn’t want to drag his name into this,” ani Poa.

Ayon sa abogado, hindi niya agad pinangalanan ang dating bise presidente nang una niyang banggitin ang isyu dahil nais lamang niyang ipunto na may nauna nang OVP na nakatanggap ng confidential funds bago ang termino ni Vice President Sara Duterte.

Ipinaliwanag ni Poa na ang kanyang pahayag ay paglilinaw sa naging testimonya ni dating Commission on Audit–Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO) state auditor Atty. Roderick Wamil. Sa pagdinig, sinabi ni Wamil na si VP Sara lamang ang vice president na kanyang na-audit kaugnay ng confidential funds habang siya ay nasa ICFAO.

Ayon kay Poa, maaaring mabigyan ng maling interpretasyon ang naturang testimonya at isipin ng publiko na si Duterte ang kauna-unahang bise presidente na nagkaroon ng confidential funds.

Dagdag pa niya, hindi niya agad tinugunan ang isyu noong nakaraang araw dahil nakatakda sana itong ilahad ng defense panel sa kanilang cross-examination.

Iginiit ni Poa na ang kanyang layunin ay maitama ang mga impormasyong kumakalat sa social media at ilang ulat upang maiwasan ang paniniwalang si Vice President Sara Duterte lamang sa kasaysayan ng bansa ang nagkaroon ng confidential funds habang nanunungkulan bilang pangalawang pangulo.