Patuloy na sinusubaybayan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang napaulat na paglalayag ng isang barkong pandigma ng People’s Liberation Army Navy (PLA-N) at isang unmanned surface vessel (USV) sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Ayon kay AFP spokesperson for the West Philippine Sea Ret. Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, nakikipag-ugnayan na ang militar sa iba pang ahensya para kumpirmahin ang lokasyon at pagkakakilanlan ng mga naturang sasakyang pandagat.
Nilinaw ni Trinidad na wala pa umanong nakikitang agarang panganib sa publiko o sa seguridad ng bansa, ngunit mananatiling alerto ang AFP sa anumang aktibidad sa karagatan.
Sinabi rin niya na ipagpapatuloy ng Sandatahang Lakas ang pagbabantay at pagpapatupad ng tungkulin nitong pangalagaan ang maritime interests ng Pilipinas.
Ang hakbang ng AFP ay kasunod ng inilabas na footage ng California-based maritime technology firm na Seasats noong Hunyo 16, na kuha umano gamit ang Lightfish USV nito. Makikita sa video ang isang Chinese Type 052D guided-missile destroyer.
Batay sa ulat ng Reuters, nakapagtala umano ang USV ng ilang “encounters” sa mga barkong pandigma ng China, kabilang ang Type 052 at Type 055 destroyers at Type 056 corvette.
Kinumpirma naman ng Seasats ang pagiging tunay ng footage, pagkakakilanlan ng barko, at lokasyon nito gamit ang orihinal na file metadata at iba pang datos.













