-- ADVERTISEMENT --

Kinumpirma ni Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin na nakarehistro kay Atty. Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, ang isang ari-arian sa Juna Subdivision, Matina Crossing, Talomo, Davao City.

Sa ika-40 araw ng impeachment trial nitong Nobyembre 9, tinanong ni defense lawyer Lindon Bacquel si Adalin tungkol sa registered owner ng naturang property batay sa rekord ng Davao City Assessor’s Office.

Kinumpirma ni Adalin na pangalan ni Carpio ang nakatala bilang may-ari at nakasaad din sa dokumento na siya ay kasal kay Duterte.

Sa pagtatanong naman tungkol sa halaga ng ari-arian, sinabi ni Adalin na P82,046 ang assessed value nito, habang P1,864,680 naman ang market value.

Ang naturang ari-arian ay kabilang sa mga property at dokumentong sinusuri sa impeachment trial kaugnay ng mga alegasyon tungkol sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente.

Bahagi rin ito ng mga isyung kailangang sagutin ng kampo ni Duterte sa natitirang Article II ng impeachment complaint, partikular ang umano’y hindi pagtutugma ng kaniyang idineklarang yaman at mga aktuwal na ari-arian.

Samantala, bahagi ng presentasyon ng depensa ang testimonya ni Adalin na naglalayong magbigay-linaw sa mga dokumentong inilatag sa paglilitis.