-- ADVERTISEMENT --

Ligtas na nakauwi sa Pilipinas ang 149 overseas Filipino workers (OFWs) mula Kuwait at Saudi Arabia sa pamamagitan ng tatlong repatriation flights sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.

Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), 37 OFWs mula Kuwait ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sakay ng Ethiopian Airlines Flight ET644 bandang alas-6 ng gabi nitong Nobyembre 7.

Sinundan ito ng 74 OFWs mula Riyadh, Saudi Arabia, na dumating sakay ng Qatar Airways Flight QR928 bandang alas-9 ng gabi. Nauna namang dumating noong Biyernes ang 38 OFWs mula sa kaparehong lungsod.

Agad na sinalubong at tinulungan ng OWWA ang mga umuwi sa pamamagitan ng pamamahagi ng pagkain at financial assistance. Nagbigay rin ito ng transportasyon para sa mga kailangang bumiyahe patungo sa kanilang mga probinsya at pansamantalang matutuluyan para sa mga walang agarang mapupuntahan.

Tumulong din sa operasyon ang Medical Assistance and Immediate Response Assistance Team at mga Regional Welfare Office ng OWWA sa National Capital Region, Region III at Region IV-A upang matiyak ang maayos na pagtanggap at pagtugon sa pangangailangan ng mga repatriated OFW.

Samantala, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng OWWA sa Department of Migrant Workers (DMW), Philippine Embassy at mga Migrant Workers Office sa Middle East upang mapabilis ang pagtulong at pagpapauwi sa iba pang Pilipinong manggagawang nais bumalik sa bansa.