Patuloy ang paghahanda ng kampo ng prosekusyon sa kasong kinakaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) para sa nakatakdang pagdinig sa Nobyembre 30.
Ayon kay Atty. Neri Colmenares, isa sa mga abogado ng prosekusyon, may ilang mahahalagang isyu at nakabinbing mosyon na kailangan pang resolbahin ng korte bago magsimula ang formal hearing.
Kabilang sa kanilang tinututukan ang proteksyon sa pagkakakilanlan ng nasa 70 testigo na inihanda ng prosekusyon. Kaugnay nito, naghain sila ng kahilingan para sa protective order na magtatakda ng sound distortion, pagtatago ng pangalan at hindi pagpapakita ng mukha ng mga testigo sa publiko upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Isinusulong din ng prosekusyon ang pagpapabilis ng paglilitis sa pamamagitan ng paggamit ng mga nakasulat na sinumpaang salaysay o written affidavits ng mga testigong dati nang nakapanayam. Sa ganitong paraan, maaari nang dumiretso sa cross-examination sa halip na ulitin ang mahahabang direktang pagtatanong.
Gayunman, pinuna ni Colmenares ang panig ng depensa dahil umano sa pagtutol nito sa ilang hakbang na naglalayong mapabilis ang paglilitis.
Matatandaang nahaharap si Duterte sa kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa madugong kampanya kontra-droga noong panahon ng kaniyang panunungkulan bilang Pangulo ng bansa.













