Masusing iniimbestigahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga shipment ng hinihinalang shabu na iniuugnay sa Laos upang matukoy ang mga nasa likod ng operasyon at maisampa ang kaukulang kaso.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines, sinabi ni PDEA spokesperson Atty. Joseph Frederick Calulut na patuloy pang sinusuri ng ahensya ang mga nakalap na impormasyon at ebidensya bago isumite ang resulta ng imbestigasyon sa Department of Justice (DOJ).
Sinusuri rin ng PDEA kung ginagamit ng international drug syndicates ang Pilipinas bilang transshipment point o daanan lamang ng ilegal na droga bago ito ipadala sa iba pang destinasyon sa Asia-Pacific region.
Matatandaang noong Oktubre, nasabat sa Laos ang tinatayang 521 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱3.54 bilyon at umano’y nakatakdang dalhin sa Pilipinas.
Samantala, hiwalay dito ang pagkakasabat noong Nobyembre 4 sa Manila International Container Port ng humigit-kumulang 200 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱1.36 bilyon.
Sa kabila nito, iginiit ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nagpapakita na umano ng positibong resulta ang kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.













