Mas mahigpit na pagbabantay sa bentahan ng mga buhay na baboy ang ipatutupad sa Tampakan, South Cotabato matapos magtakda ang lokal na pamahalaan ng minimum floor price upang maiwasan ang pagbili ng mga alagang baboy sa presyong mas mababa sa itinakdang halaga.
Sa pamamagitan ng Executive Order na inilabas ni Mayor Leonard Escobillo, RN, inaatasan ang mga livestock trader, middleman, buyer, at commercial agent na sumunod sa minimum na presyo ng liveweight ng baboy.
Itinakda sa kautusan ang sumusunod na halaga:
₱160 kada kilo – Backyard-raised hogs na standard o good quality
₱100 kada kilo – Culled sows at boars
₱3,500–₱4,000 kada ulo – Piglets
₱210 kada kilo – Lechon-size hogs na 30 kilos pababa
₱200 kada kilo – Lechon-size hogs na 31 hanggang 60 kilos
Upang matiyak ang pagsunod sa bagong patakaran, bubuo ang munisipyo ng Municipal Swine Trade Oversight Task Force na pamumunuan ng Municipal Mayor bilang Chairperson at Municipal Agriculturist bilang Vice-Chairperson.
May tungkulin din ang task force na regular na repasuhin ang mga presyo kada dalawang linggo o buwanan, gamit ang presyo ng feeds, datos ng Department of Agriculture, at sitwasyon ng supply at demand bilang batayan.
Sa pagpapatupad ng regulasyong ito, inaasahang magkakaroon ng mas malinaw na batayan sa presyo ng bentahan at mas maayos na proteksyon para sa mga lokal na hog raisers, habang pinananatili ang patas na kalakalan sa industriya ng babuyan sa Tampakan.













