-- ADVERTISEMENT --

Itinanggi ng prosecution panel ang alegasyon na nalabag ang karapatan ni Vice President Sara Duterte sa due process matapos bawiin ang tatlo sa apat na impeachment articles na inihain laban sa kanya.

Ayon kay prosecution counsel Benjamin Tolosa Jr., walang paglabag sa due process dahil hindi naman maglalabas ng hatol ang Senate impeachment court kaugnay ng mga kasong inalis sa impeachment proceedings.

Paliwanag ni Tolosa, nananatiling mahalaga ang karapatan ng isang inaakusahan na marinig at maipagtanggol ang sarili bago maglabas ng anumang desisyon ang korte.

Kabilang sa mga binawing artikulo ang mga alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds, panunuhol, at matitinding pagbabanta laban sa ilang indibidwal.

Nauna nang kinuwestiyon ng kampo ni Duterte ang naging hakbang ng prosekusyon, dahil nailahad na umano sa publiko ang mga ebidensiyang may kaugnayan sa tatlong alegasyon ngunit hindi na magkakaroon ng pagkakataong pormal na sagutin ang mga ito sa paglilitis.

Gayunman, iginiit ni Tolosa na mas naging paborable pa sa depensa ang naging resulta dahil inalis ng Senate impeachment court ang sub judice rule para sa mga binawing kaso. Nangangahulugan ito na maaari nang malayang talakayin ng kampo ni Duterte sa publiko ang mga naturang alegasyon.

Hindi na rin pinapayagan ang prosecution panel na muling ihain ang tatlong kasong kanilang binawi.

Samantala, nakumpleto na ng prosekusyon ang presentasyon ng mga ebidensiya nito kaugnay ng Article II, na tumatalakay sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte, mga iregularidad sa deklarasyon ng kanyang mga ari-arian sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at pagpapanatili umano ng interes sa negosyo habang nasa puwesto.

Inaasahang magsisimula naman ang defense panel sa paghaharap ng mga ebidensiya nito sa pagpapatuloy ng impeachment trial sa Nobyembre 9.