-- ADVERTISEMENT --

Mariing itinanggi ng kampo ni dating House Speaker Lord Allan Velasco ang mga alegasyong nag-uugnay sa kaniya at kay Vice President Sara Duterte sa umano’y ilegal na aktibidad, habang kinuwestiyon ang kredibilidad ng nagpakilalang “Alias Chris.”

Sa pahayag nitong Biyernes, sinabi ni Atty. Rowell Ilagan, tagapagsalita ni Velasco, na walang sapat na factual basis ang mga paratang at maaari umanong makasira lamang ang mga ito sa reputasyon ng dating House Speaker at ng Bise Presidente.

Ayon kay Ilagan, ikalawang pagkakataon na itong may lumitaw na umano’y testigong nag-uugnay kay Velasco sa kahalintulad na alegasyon.

Matatandaang nagtungo sa National Bureau of Investigation (NBI) si Alias Chris noong Oktubre 29 at nagpakilalang dating driver ni Velasco. Inangkin nitong dalawang beses siyang naghatid ng mga maleta sa Davao City noong 2021 at 2022 na umano’y may kaugnayan kay Duterte.

Gayunman, inamin ng naturang indibidwal na hindi niya personal na nasaksihan kung tinanggap mismo ng Bise Presidente ang mga maleta.

Nauna ring naglabas ng kahalintulad na alegasyon ang dating pulis na si Rodulfo Gracioso Jr., na nagsabing umano’y naghatid si Velasco ng pera sa mga miyembro ng pamilya Duterte.

Dahil dito, nanawagan si Ilagan sa publiko at media na maging maingat sa pagtanggap at pagpapalaganap ng mga akusasyon, at iginiit na hindi nagiging totoo ang isang paratang dahil lamang sa paulit-ulit itong inilalabas.

Patuloy namang sinusuri ng kampo ni Velasco ang mga alegasyon at ang mga pangyayaring nakapalibot sa pagpapakalat ng mga ito upang matukoy ang posibleng legal na hakbang.