-- ADVERTISEMENT --

Mga naggagandahang astronomical events ang maaaring abangan ng mga mahihilig sa stargazing ngayong Nobyembre, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Kabilang sa mga constellation na makikita sa kalangitan sa buong buwan ang Northern constellations na Cepheus, Cassiopeia, Andromeda, Pegasus at Pisces. Masisilayan din ang Southern constellations na Tucana, Grus, Phoenix, Sculptor at Aquarius.

Ayon sa PAGASA, pinakamainam na pagmasdan ang mga constellation bandang alas-9 ng gabi, kung kailan nasa pinakamataas na posisyon ang mga ito sa kalangitan. Mananatili silang tanaw hanggang marating ang western horizon bago sumikat ang araw.

Tampok din ngayong buwan ang tinatawag na celestial sea constellations, kabilang ang Capricornus o Sea Goat, Aquarius o Water Bearer, Pisces o The Fishes, Cetus o Sea Monster, at Eridanus na kumakatawan sa isang ilog.

Samantala, para sa mga skywatcher, noong Nobyembre 2 ay inaasahang magmumukhang magkalapit sa kalangitan ang crescent moon at Mars sa constellation ng Leo. Sa Nobyembre 3 naman, mapagmamasdan ang crescent moon na tila malapit sa Jupiter.

Gayunman, pinaalalahanan ng PAGASA ang publiko na maaaring mahirapang makita ang ilang celestial objects sa mga lugar na mataas ang antas ng light pollution.

Mas mainam na pumili ng lugar na madilim, malayo sa matitingkad na ilaw at may malinaw na tanawin ng kalangitan upang masulit ang pagmamasid sa mga astronomical events.