Nasakote ang isang 68-anyos na babae matapos makumpiskahan ng tinatayang 1.1 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P7.48 milyon sa isang buy-bust operation sa Barangay Talon-Talon, Zamboanga City noong Oktubre 29, 2026.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Sitti” na naaresto sa magkasanib na operasyon ng PDEA National Special Enforcement Team ZAMBASULTA, PDEA Zamboanga City Office at Philippine National Police (PNP).
Ayon sa mga awtoridad, kabilang sa mga nakumpiska ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P680,000 at 23 pang sachet na tinatayang nagkakahalaga ng P6.8 milyon.
Narekober din sa operasyon ang buy-bust money, isang cellphone, weighing scale, gunting at iba pang personal na gamit.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na may kaugnayan sa pagbebenta at ilegal na pag-iingat ng ipinagbabawal na droga.












