Mas pinalakas na kakayahang pandepensa ang target ng Japan sa susunod na limang taon sa gitna ng planong palakihin nang halos doble ang pondong ilalaan para sa kanilang militar.
Ayon sa mga source na may kaalaman sa usapin, pinag-aaralan ng pamahalaan ni Prime Minister Sanae Takaichi at ng ruling coalition ang paglalaan ng 70 hanggang 80 trilyong yen, katumbas ng 457 hanggang 508 bilyong US dollars, simula Abril 2027.
Malayo ito sa kasalukuyang five-year defense program na may kabuuang 43 trilyong yen at nagsimula noong fiscal year 2023.
Kabilang sa mga pangunahing pagbili at pagpapaunlad na pinaglalaanan ng pondo ang mga unmanned drones, long-range missiles, artificial intelligence at space technologies upang mapalawak ang kakayahan ng Japan sa depensa at seguridad.
Isa rin sa mga nagpapataas sa gastusin ang paghina ng yen, na nagiging dahilan upang mas mahal ang pagkuha ng mga kagamitang pandepensa mula sa ibang bansa.
Gayunman, hindi pa pinal ang planong halaga dahil patuloy pang tinatalakay ng pamahalaan ang budget at nire-review ang mga dokumentong nagtatakda ng direksiyon ng national security ng bansa, na inaasahang matatapos bago matapos ang taon.













