-- ADVERTISEMENT --

Nagtapos sa ika-16 na puwesto ang Team Philippines sa 2026 Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan matapos mag-uwi ng 29 na medalya—apat na gold, siyam na silver at 16 na bronze.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Hannah Galvez, natapos na ang kampanya ng mga atletang Pinoy bago ang closing ceremony ngayong Oktubre 4.

Pinangunahan nina Carlos Yulo, EJ Obiena at Jeus Gabriel Yape ang apat na gold medal ng bansa. Dalawa ang nakuha ni Yulo sa artistic gymnastics, habang nag-gold sina Obiena sa men’s pole vault at Yape sa mixed individual virtual taekwondo.

Kabilang sa silver medalists sina Carlo Paalam, Amaya Cojuangco, Gilas Pilipinas Women 3×3 at Jean Claude Saclag, habang kabilang sa bronze medalists sina Alex Eala at Eldrew Yulo.

Bagama’t hindi naabot ang target na walong gold medals, nalampasan ng Pilipinas ang 18-medal haul nito noong nakaraang Asian Games. Pang-apat naman ang bansa sa Southeast Asia sa overall standings.

Nanguna ang China sa medal tally na may 165 gold, 83 silver at 74 bronze, o kabuuang 322 medalya.

Samantala, nanatili ang suporta ng mga Pilipino sa Japan, lalo na kay Eala, kahit nahirapan ang ilan na dumalo sa mga laban dahil sa work policies. Ilang laban din ni Eala ang naantala dahil sa ulan bago niya nasungkit ang bronze.

Pormal na magtatapos ang Asian Games ngayong Oktubre 4 sa Paloma Mizuho Stadium, tampok ang parade ng mga atleta, pagpatay sa Asian Games flame, handover para sa 2030 host na Doha, Qatar, at cultural performances.