-- ADVERTISEMENT --

Isiniwalat ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na malaking bilang ng mga pangalan sa payee lists ng confidential at intelligence funds ng OVP at DepEd ang walang katugmang civil records sa kanilang database.

Ayon kay PSA Assistant National Statistician Marizza B. Grande, sa 1,992 pangalan mula sa OVP list, 1,287 ang walang natukoy na rekord ng kapanganakan, kasal o kamatayan.

Sa hiwalay na pagsusuri, 1,322 ang walang birth certificate, 1,456 ang walang marriage certificate, at 1,593 ang walang death record.

Samantala, sa 677 pangalan mula sa DepEd list, 398 ang walang anumang civil record sa PSA database. Kabilang dito ang 405 na walang birth certificate, 443 na walang marriage certificate, at 507 na walang death record.

Binigyang-diin din ni Grande na ilang pangalan sa mga listahang isinumite sa PSA ay “unusual” o hindi karaniwan kumpara sa mga pangalang karaniwang lumilitaw sa kanilang civil registry records.

Ang mga natuklasan ay iniharap ng prosecution bilang bahagi ng mga ebidensya sa impeachment case kaugnay ng paggamit ng confidential funds. Gayunman, ang kawalan ng civil record sa PSA database ay hindi awtomatikong nangangahulugang hindi umiiral ang isang tao, kaya kinakailangan pa rin itong suriin at patunayan sa proseso ng paglilitis.