Tiniyak ni Executive Secretary Ralph Recto na magpapatuloy nang normal ang operasyon ng Office of the President o OP sa kabila ng malaking pagbawas sa kanilang panukalang budget para sa 2027.
Inendorso ng House appropriations panel ang P10.15 bilyong pondo para sa OP sa susunod na taon, mas mababa kumpara sa kasalukuyang P28 bilyong budget.
Ayon kay Recto, sapat ang naturang pondo upang matugunan ang pangunahing operasyon ng tanggapan, kabilang ang pagtugon sa emergencies, paghahatid ng serbisyo publiko, pagsubaybay sa mga programang pang-ekonomiya at pagprotekta sa pambansang interes.
Ipinaliwanag ni Recto na pangunahing dahilan ng pagbaba ng budget ang pagtatapos ng mga gastusin kaugnay ng pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit ngayong taon.
Sa proposed 2027 budget, pinakamalaki ang inilaan sa Maintenance and Other Operating Expenses na aabot sa P7.46 bilyon. Sinundan ito ng P1.86 bilyon para sa personnel services at P839 milyon para sa capital outlay.
Sinabi ni Recto na mananatiling responsable at maingat ang OP sa paggamit ng pondo at hindi ito humihingi ng special treatment para sa kanilang 2027 budget.
Giit ng Executive Secretary, bagama’t mas maliit ang pondong kanilang matatanggap, mananatiling handa ang OP na gampanan ang mga responsibilidad nito at maghatid ng kinakailangang serbisyo sa publiko.













