Nasawi ang dalawang hinihinalang drug personality, kabilang ang isang Malaysian national at isang Pilipino, matapos ang umano’y pakikipagbarilan sa mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang buy-bust operation sa Bongao, Tawi-Tawi nitong Sabado, Nobyembre 15.
Naganap ang operasyon sa Barangay Tubig Mampallam kung saan, ayon sa PDEA, nakatunog umano ang mga suspek sa presensya ng mga operatiba at nagtangkang tumakas habang nagpapaputok ng baril laban sa mga awtoridad.
Kinilala ni PDEA Tawi-Tawi Provincial Officer Abraham Solon Kalim ang mga nasawi na sina Janimal Bin Hajad, isang Malaysian national, at Sansibar Amirul Amil, isang Pilipino.
Dalawang hindi pa nakikilalang babae ang nasugatan sa insidente at agad na dinala sa ospital para malapatan ng lunas.
Samantala, nasamsam ng PDEA, katuwang ang Philippine Marine at Philippine National Police (PNP), ang dalawang kilo ng hinihinalang shabu na nakasilid sa dalawang pakete ng tsaa at tinatayang nagkakahalaga ng P13.4 milyon.
Narekober din sa operasyon ang mga baril at isang motorized wooden boat na hinihinalang ginamit ng mga suspek sa kanilang pagtakas.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang iba pang posibleng sangkot sa ilegal na kalakalan ng droga sa lugar.













