-- ADVERTISEMENT --

Hindi humarap si Vice President Sara Duterte sa QC RTC Branch 98 nitong Biyernes sa kabila ng warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng tatlong bilang ng grave threats.

Inilabas ang warrant matapos makitaan ng probable cause ang korte para litisin siya. Nagdagdag din ng police personnel sa korte bilang paghahanda sa posibleng pagdating ng bise presidente, ngunit hindi siya dumating hanggang alas-6 ng gabi.

Ayon sa abogado ni Duterte na si Paul Lawrence Lim, wala siyang intensiyong umiwas sa batas at patuloy na gagamitin ang lahat ng legal na remedyo.

Nag-ugat ang mga kaso sa mga pahayag ni Duterte na may inatasan umano siyang pumatay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.

Nauna nang naghain si Duterte ng motion to quash at kinuwestiyon ang hurisdiksiyon ng korte, ngunit ibinasura ito dahil walang sapat na merito.

Ang naturang mga pahayag ay bahagi rin ng isa sa mga Article of Impeachment na kinakaharap niya sa Senado.