-- ADVERTISEMENT --

Nagpatuloy ang magandang kampanya ni Filipino pole vault ace EJ Obiena matapos niyang makuha ang kaniyang ika-siyam na gold medal ngayong taon sa ISTAF Berlin sa Germany.

Nalampasan ni Obiena ang 5.82 meters sa Olympiastadion upang manguna sa kompetisyon, habang nagtapos sa ikalawa si Ylio Philtjens ng Belgium at ikatlo si Robin Emig ng France, kapwa may 5.72 meters.

Ito na ang ikaapat na pagkakataon na nagkampeon si Obiena sa ISTAF Berlin. Nakumpleto rin niya ang kaniyang sweep sa Berlin ngayong taon matapos niyang makuha ang indoor title noong Marso.

Bagama’t nabigo siyang malampasan ang 5.97 meters sa tatlong pagtatangka, nananatiling mahalaga ang kaniyang resulta habang naghahanda siya para sa mga susunod pang international competitions.

Samantala, nakamit na ni Obiena ang qualifying mark para sa 2027 World Athletics Championships matapos niyang malampasan ang 5.90 meters sa Zurich Diamond League noong Agosto 27.