Mula sa pagiging low pressure area (LPA), ganap nang naging tropical depression ang isang weather disturbance na pinangalanang “Pilandok,” ayon sa weather bureau sa inilabas na bulletin alas-8:00 ng umaga nitong Agosto 30.
Batay sa pinakahuling datos, namataan ang Tropical Depression Pilandok may 1,245 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon. Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 45 kilometro kada oras malapit sa sentro, habang umaabot naman sa 75 kilometro kada oras ang pinakamalakas na bugso.
Kumikilos ang Pilandok pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras. Patuloy namang mino-monitor ng weather bureau ang direksyon, bilis at kondisyon ng bagyo upang matukoy kung magkakaroon ito ng epekto sa bansa.
Pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto at regular na subaybayan ang mga opisyal na weather bulletin at abiso, partikular ang mga lugar na posibleng maapektuhan ng sama ng panahon.
Samantala, ang dating Tropical Depression Obet ay humina na at muling naging low pressure area. Sa kabila nito, patuloy pa rin itong inoobserbahan ng weather bureau sakaling magkaroon ng pagbabago sa lakas o galaw nito.













