-- ADVERTISEMENT --

Isinusulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang panukalang P332.50 bilyong pondo para sa 2027 upang higit pang mapalakas ang public safety, peace and order, at kakayahan ng pamahalaan sa pagtugon sa mga sakuna.

Sinuri ng House Committee on Appropriations ang proposed budget, na mas mataas ng 7.10 porsyento kumpara sa pondo ng DILG noong 2026. Tinatayang 95 porsyento ng kabuuang halaga ay ilalaan sa operasyon ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Ayon kay Camarines Sur Rep. Arnie Fuentebella, mahalaga ang peace and order sa patuloy na paglago ng ekonomiya. Binigyang-diin din niya ang naiulat na pagpapabilis ng emergency response time sa lima hanggang pitong minuto at ang 30.15 porsyentong pagbaba ng cybercrime sa bansa.

Samantala, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na bahagi ng gagastusan ang modernisasyon at paggamit ng makabagong teknolohiya ng PNP. Layunin nitong mapabilis ang pagtukoy at pagtugon sa mga krimen, kabilang ang mga banta sa seguridad ng mga paaralan na kumakalat online.

Bukod sa seguridad, kabilang din sa mga prayoridad ng panukalang badyet ang disaster resilience at pagpapalakas sa kakayahan ng mga lokal na pamahalaan na makapaghatid ng pangunahing serbisyo sa kanilang mga nasasakupan.

Iginiit ni Fuentebella na ang kapayapaan, seguridad, kahandaan sa sakuna, at mahusay na serbisyo ng mga lokal na pamahalaan ay hindi hadlang sa pag-unlad ng ekonomiya. Sa halip, aniya, ang mga ito ang nagsisilbing pundasyon upang maging posible ang mas matatag na paglago ng bansa.