Pinagbabaril umano ang convoy ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Chief Minister Abdulraof Sammy Gambar Macacua habang dumaraan sa Barangay Dulangan, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Nagtamo ng mga tama ng bala ang isang Toyota Land Cruiser at Toyota Fortuner na sinasabing kabilang sa convoy. Matapos ang insidente, dinala ang mga naturang sasakyan sa Bangsamoro Government Center sa Cotabato City.
Nakaligtas naman si Chief Minister Macacua at ang kanyang mga kasama sa insidente, batay sa paunang impormasyon. Kinumpirma rin ng isang security personnel na malapit sa Chief Minister na ligtas ang kanyang kalagayan.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang mga detalye ng insidente, kabilang ang eksaktong lugar kung saan naganap ang pagpapaputok, posibleng motibo, at pagkakakilanlan ng mga responsable.







