-- ADVERTISEMENT --

May inaasahang ginhawa para sa mga motorista sa susunod na linggo dahil posibleng bumaba ang presyo ng mga produktong petrolyo kasunod ng pagluwag ng sitwasyon sa Gitnang Silangan na nakaapekto sa pandaigdigang merkado ng langis.

Ayon kay Department of Energy–Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, humina ang presyo ng krudo sa nakalipas na apat na araw matapos mabawasan ang pangamba sa suplay ng langis mula sa rehiyon.

Sa paunang pagtataya ng Department of Energy, maaaring bumaba ng hanggang P0.80 kada litro ang presyo ng gasolina, P0.50 kada litro ang diesel, at P2.30 kada litro ang kerosene.

Samantala, batay sa pagtataya ng isang source mula sa oil industry, maaari pang mas malaki ang maging rollback sa gasolina na nasa P1.00 hanggang P1.50 kada litro, habang P0.50 hanggang P1.00 kada litro naman ang inaasahang bawas sa diesel.

Nauna nang sumipa sa mahigit $100 kada bariles ang presyo ng Brent crude oil dahil sa pangamba sa tensyon sa Gitnang Silangan. Gayunman, bumuti ang takbo ng merkado matapos lumabas ang mga ulat tungkol sa posibilidad ng tigil-putukan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.

Sa kabila nito, sinabi ng DOE na nananatiling limitado ang inaasahang rollback dahil nananatiling mahigpit ang suplay at demand ng diesel at gasolina sa pandaigdigang merkado.

Inaasahang ilalabas ng mga kumpanya ng langis ang opisyal na anunsyo ng price adjustment sa Lunes, habang ipatutupad ang bagong presyo sa Martes.