Itinanggi ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na siya ang senador na umano’y “pabulong” na humiling ng ceasefire kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson kaugnay ng kanilang bangayan sa usapin ng sinasabing “ghost projects” sa Taguig City.
Nilinaw ni Cayetano na wala siyang ipinakiusap na itigil ang kanilang palitan ng mga pahayag matapos sabihin ni Lacson sa social media na may isang senador na humiling ng paglamig ng tensyon.
Ayon kay Cayetano, may ilang kasamahan sila sa Senado na nagpahayag ng pangamba na maaaring makaapekto sa institusyon ang kanilang alitan at mailihis ang atensyon mula sa mga mas mahahalagang usapin.
Binigyang-diin ng senador na mas dapat pagtuunan ng pansin ang mga problemang direktang nakaaapekto sa publiko, kabilang ang presyo ng kuryente at langis, online gaming, at regulasyon sa vape.
Iginiit naman ni Cayetano na handa siyang harapin ang anumang alegasyon laban sa kanya at hindi siya umiiwas sa pagtalakay sa mga isyung ibinabato sa kanyang panig.













