Humihingi ng mas malinaw na paliwanag ang pamilya ng isang Philippine Navy officer candidate na nasawi habang sumasailalim sa training sa Zambales, matapos nilang kuwestiyunin ang paunang ulat na heatstroke ang dahilan ng kanyang pagkamatay.
Kinilala ang biktima na si Aldwayne Dulnuan, 25 taong gulang. Ayon sa inisyal na imbestigasyon, tumakbo umano siya ng limang kilometro sa panahon ng training bago nakaranas ng heat-related medical emergency.
Ikinuwento ng kanyang ina na si Stella Bunoan na nakatanggap siya ng tawag mula sa Philippine Navy noong Hulyo 21 at nadatnan ang kanyang anak na naka-intubate sa intensive care unit (ICU). Aniya, nahihirapan siyang paniwalaan na heatstroke lamang ang ikinasawi ng anak dahil isa itong atleta at kilalang nasa maayos na pangangatawan.
Samantala, sinabi ni Philippine Navy Public Affairs Office Director Captain Marie Angelica Sisican na batay sa paunang medical assessment, nakaranas si Dulnuan ng cardiac arrhythmia, heat exhaustion, at electrolyte imbalance. Pumanaw siya noong Hulyo 22 habang ginagamot sa ospital.
Sa kabila ng nagpapatuloy na imbestigasyon, iginiit ng Philippine Navy na wala silang nakikitang anumang indikasyon ng foul play at patuloy nilang inaalam ang buong detalye ng insidente.













