-- ADVERTISEMENT --

Nangako ang Philippine National Police (PNP) na ipatutupad ang maximum tolerance sa mga isasagawang kilos-protesta kasabay ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo ngayong Lunes, Hulyo 27.

Ayon kay PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr., patuloy na igagalang ng pulisya ang karapatan ng publiko na magpahayag ng saloobin, habang nanawagan din siya ng kooperasyon mula sa mga raliyista upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan.

Inaasahan ang malawakang pagtitipon ng iba’t ibang grupo sa mga itinalagang lugar para sa protesta, kabilang ang Commonwealth Avenue malapit sa Batasan Complex sa Quezon City, kung saan idaraos ang ulat sa bayan ng Pangulo.

Kabilang sa mga grupong nabigyan ng permit para magsagawa ng rally ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), Sanlakas, at Better Brighter.

Samantala, nagtalaga na ang PNP ng mahigit 20,000 pulis sa iba’t ibang pangunahing lugar bilang bahagi ng seguridad bago ang nakatakdang SONA ng Pangulo ngayong alas-4:00 ng hapon.

Sinabi rin ng pambansang pulisya na gagamit sila ng mapayapang pamamaraan upang maiwasan ang anumang kaguluhan, kabilang ang pagpigil sa pagsusunog ng mga effigy sa kasagsagan ng mga protesta.