Naka-full alert status ang Philippine National Police (PNP) sa BARMM at mga karatig-rehiyon bilang paghahanda sa kauna-unahang regular Bangsamoro Parliamentary Elections ngayong Setyembre 14.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., nasa 10,500 pulis ang itinalaga para sa election duties—kabilang ang halos 4,900 mula sa PRO-BAR at 5,600 augmentation personnel mula sa iba’t ibang regional offices at specialized units.
Babantayan ng security forces ang mga tanggapan ng Comelec, voting centers, checkpoints at iba pang kritikal na lugar upang maiwasan ang election-related incidents.
Bagama’t nananatiling pangkalahatang mapayapa ang sitwasyon, mino-monitor ng mga awtoridad ang 93 sa 105 bayan at lungsod sa BARMM na kabilang sa areas of concern dahil sa potensyal na election-related incidents, political rivalry at banta mula sa armadong grupo.
Samantala, mahigit 2.4 milyong rehistradong botante ang inaasahang boboto para pumili ng 80 miyembro ng kauna-unahang halal na Bangsamoro Parliament.













