Inanunsiyo ng Estados Unidos ang pagkakaroon ng nuclear energy agreement kasama ang Saudi Arabia na naglalayong palakasin ang kooperasyon ng dalawang bansa sa larangan ng enerhiya.
Pinangunahan nina US Secretary of Energy Chris Wright at Saudi Minister of Energy Prince Abdulaziz bin Salman ang paglagda sa nuclear cooperation agreement.
Ayon sa US Department of Energy, kabilang sa kasunduan ang bilateral safeguards agreement na magsisilbing batayan sa ligtas at responsableng paggamit ng nuclear technology. Tinawag din nito ang kasunduan bilang isang “legal foundation” para sa isang pangmatagalan at multi-bilyong dolyar na partnership sa pagitan ng dalawang bansa.
Sa ilalim ng napagkasunduan, magkakaroon ng pagkakataon ang mga kumpanyang Amerikano na makibahagi at magkaroon ng access sa nuclear energy program ng Saudi Arabia.
Isusumite naman ang kasunduan sa US Congress para sa pagsusuri bago ito tuluyang maisakatuparan.













