Umiigting ang football fever sa Spain habang naghahanda ang bansa para sa pinakahihintay na FIFA World Cup 2026 Final sa Hulyo 19, kung saan haharapin ng kanilang pambansang koponan ang reigning champion na Argentina.
Lalong sumigla ang pag-asa ng mga Spanish fans matapos talunin ng La Roja ang France, 2-0, sa semifinal. Dahil dito, marami ang naniniwalang may malaking pagkakataon ang koponan na muling maiuwi ang world title.
Patuloy naman ang paghahanda ng grupo ni head coach Luis de la Fuente, na nakatuon sa pagpapanatili ng kondisyon ng mahahalagang manlalaro tulad nina Lamine Yamal at Pedro Porro bago ang pinakamalaking laban ng torneo.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Eva Tinaza, hindi lamang ang koponan ang naghahanda kundi maging ang iba’t ibang lungsod sa Spain para sa inaasahang malaking pagtitipon ng mga tagahanga.
Sa Madrid, inaasahang mapupuno ng libo-libong supporters ang mga pampublikong viewing areas, kabilang ang Plaza de Colón, para sama-samang panoorin ang laban nang libre.
Dahil sa inaasahang dami ng dadalo, nagpatupad na rin ng mas mahigpit na seguridad ang mga awtoridad. Nakaantabay ang mga pulis at emergency response teams upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng publiko habang isinasagawa ang mga public viewing activities.
Samantala, ibinahagi ng ilang Pilipino na naninirahan sa Spain na ramdam na ramdam ang pananabik ng mga mamamayan habang papalapit ang finals.
Umaasa ang mga tagasuporta na muling makakamit ng Spain ang karangalan sa pandaigdigang football at masungkit ang ikalawa nitong FIFA World Cup title matapos ang makasaysayang kampanya noong 2010.













