Naglabas ng abiso ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) matapos maitala ang magnitude 6.5 na lindol sa karagatan malapit sa Balut Island sa Sarangani, Davao Occidental, na nagdulot ng bahagyang sea level disturbance sa mga kalapit na baybayin.
Ayon sa ahensya, inaasahang maaaring magkaroon ng pagtaas ng alon na mas mababa sa isang metro kumpara sa normal na antas ng tubig. Maaari rin umanong mas maramdaman ang epekto nito sa mga enclosed bays at enclosed straits.
Tinaya ng PHIVOLCS na ang unang tsunami waves ay maaaring dumating sa pagitan ng alas-11:49 ng gabi ng Hulyo 14 at alas-12:09 ng madaling araw ng Hulyo 15, at posibleng magpatuloy ang paggalaw ng alon sa loob ng ilang oras.
Bilang pag-iingat, hinikayat ng PHIVOLCS ang mga residente sa Sarangani, Davao Occidental, at General Santos City na maging mapagmatyag sa anumang hindi pangkaraniwang pagtaas ng tubig at umiwas muna sa mga dalampasigan habang umiiral ang advisory.
Pinayuhan din ang mga may-ari ng mga bangkang nakadaong sa mga pantalan, ilog, at mabababaw na bahagi ng dagat na tiyaking ligtas ang kanilang mga sasakyang pandagat at pansamantalang umiwas sa baybayin.
Sa kabila ng advisory, nilinaw ng PHIVOLCS na wala pang evacuation order na inilalabas kaugnay ng naturang sea level disturbance, ngunit patuloy nitong mino-monitor ang sitwasyon at hinihikayat ang publiko na sumunod sa mga opisyal na abiso ng mga awtoridad.













