Nanawagan si Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa mga opisyal ng pamahalaan na panatilihin ang integridad sa kanilang panunungkulan sa pamamagitan ng pag-iwas sa anumang conflict of interest.
Ayon kay Remulla, nararapat lamang na mamili ang isang opisyal kung uunahin ang pagnenegosyo o ang paglilingkod sa publiko upang maiwasan ang pagdududa at posibleng paglabag sa batas.
Ang pahayag ay kasunod ng isinasagawang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman laban sa ilang mambabatas na umano’y nasasangkot sa mga iregularidad. Binigyang-diin niya na mahalagang magkaroon ng delikadesa ang mga opisyal at huwag pagsabayin ang pampublikong tungkulin at mga pribadong interes na maaaring magdulot ng conflict of interest.
Aniya, hindi lamang sa mga party-list lawmakers nakikita ang ganitong sitwasyon, kundi maging sa iba pang opisyal ng gobyerno na nagiging government contractors o may kaugnayan sa mga kumpanyang nakikinabang sa mga proyekto ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan, kinumpirma ni Remulla na may iniimbestigahan ang Ombudsman na dalawang mambabatas na nahaharap sa kasong graft dahil sa umano’y pagmamay-ari o pagkakaroon ng koneksyon sa isang construction service.













