Nagsasagawa ng search, rescue, at retrieval operation ang mga otoridad sa Sitio Blesong Fandaw, Barangay Poblacion, Malapatan, Sarangani matapos ang malawakang landslide na ikinasawi ng anim na katao, habang tatlo pa ang pinaghahanap at isa ang sugatan.
Ayon kay MDRRMO-Malapatan Officer-in-Charge Bon Quiño, batay sa paunang incident report ng mga responder, anim na ang kumpirmadong nasawi sa insidente habang nagpapatuloy ang paghahanap sa mga pinaniniwalaang natabunan ng gumuhong lupa.
Kinumpirma naman ni Malapatan Mayor Jun Sumbo na tuloy-tuloy ang search and rescue operations sa lugar upang mailigtas ang iba pang posibleng naipit sa ilalim ng mga natabunang kabahayan.
Sinabi ng mga otoridad na ang halos magdamag na walang tigil na malakas na pag-ulan ang nagdulot ng pagguho ng lupa na tumabon sa ilang kabahayan sa naturang komunidad.
Samantala, nanawagan si Mayor Sumbo sa mga residenteng naninirahan sa mga lugar na madaling tabunan ng landslide na agad lumikas at sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan dahil nananatiling masama ang panahon at may banta pa ng panibagong pagguho ng lupa.













