-- ADVERTISEMENT --

Sinimulan na ng Democratic Republic of Congo ang pagbabakuna sa mga health at frontline workers sa Bunia, Ituri Province, bilang bahagi ng pag-aaral sa bisa ng Ervebo vaccine laban sa kasalukuyang Ebola outbreak.

Partikular na susuriin ng vaccination study kung nagbibigay ng proteksyon ang Ervebo laban sa Bundibugyo virus, ang strain na sanhi ng outbreak. Ayon sa WHO, lisensyado ang Ervebo laban sa Zaire ebolavirus, ngunit hindi ito partikular na idinisenyo para sa Bundibugyo virus.

Dahil dito, inirekomenda ng WHO na gamitin ang bakuna laban sa Bundibugyo virus sa ilalim lamang ng research protocols upang makalikom ng datos hinggil sa bisa nito.

Sa BRAVO study ng Médecins Sans Frontières at Epicentre, humigit-kumulang 20,000 frontline workers ang susubaybayan sa loob ng isang taon.

Samantala, patuloy ang pagkalat ng outbreak, na ayon sa pinakahuling WHO report ay umabot na sa pitong probinsya at nakapagtala ng mahigit 7,000 kumpirmadong kaso.