Isang Filipina nurse practitioner ang nahaharap sa seryosong kaso sa Estados Unidos matapos siyang ituro ng mga awtoridad bilang pangunahing personalidad sa isang umano’y malawakang healthcare fraud scheme na nagdulot ng halos US$1 bilyong pagkalugi sa mga programang Medicare at TRICARE.
Kinilala ng mga federal prosecutor ang suspek na si Marizel Yukee, residente ng Las Vegas, Nevada. Naglabas na rin ng warrant of arrest laban sa kanya ang United States District Court for the Southern District of Texas.
Kabilang sa mga isinampang kaso laban kay Yukee ang conspiracy to commit healthcare fraud at wire fraud, healthcare fraud, conspiracy to pay and receive illegal kickbacks, at money laundering.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, sinasabing nakatuon ang operasyon sa mga matatandang pasyente at mga may malubhang karamdaman. Ayon sa mga prosecutor, umano’y ipinagkakaloob sa mga ito ang mga wound treatment na hindi naman kinakailangan at saka isinusumite ang bayarin sa mga government-funded health insurance programs.
Iniuugnay rin si Yukee sa apat na wound-care clinics na matatagpuan sa Texas, Nevada, California, at Hawaii. Dito umano’y nagaganap ang pagbabayad ng ilegal na kickbacks kapalit ng pagre-refer ng mga pasyente.
Lumabas din sa imbestigasyon na umano’y pineke ang ilang medical records upang mapalabas na kinakailangan ang mga paggamot, habang sinisingil ang mga programang pangkalusugan para sa mga serbisyong hindi dapat bayaran.
Bukod dito, pinaniniwalaang ginamit ang umano’y nalikom na pondo sa pagbili ng mga mamahaling ari-arian at luho. Kabilang dito ang isang Ferrari supercar na nagkakahalaga ng mahigit US$500,000, isang Bulgari necklace na tinatayang US$865,000, isang bahay sa Hawaii na nagkakahalaga ng humigit-kumulang US$1 milyon, at isang beach resort project sa Santa Ana, Cagayan sa Pilipinas na may tinatayang halaga na US$4.6 milyon.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad habang hinaharap ng suspek ang mga kasong isinampa laban sa kanya. Nananatili namang alegasyon ang mga paratang hanggang sa mapatunayan sa hukuman.













