Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na magkakaroon ng bilateral meeting sina Ferdinand Marcos Jr. at Vladimir Putin bilang bahagi ng paggunita sa ika-50 anibersaryo ng diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Russia.
Sa pre-departure briefing sa Malacañang, sinabi ni Dominic Imperial na inaasahang pagtutuunan ng dalawang lider ang pagpapalalim ng kooperasyon sa mga pangunahing sektor tulad ng enerhiya at food security.
Ayon sa DFA, kabilang din sa mga pag-uusapan ang mga isyung panrehiyon at pandaigdigan, partikular ang epekto ng nagpapatuloy na tensyon sa Gitnang Silangan sa seguridad ng suplay ng enerhiya at pagkain sa iba’t ibang bansa.
Hindi naman muna nagpahayag si Imperial kung magreresulta ang pagpupulong sa mga konkretong kasunduan hinggil sa langis, nuclear energy, o renewable energy. Aniya, mas makabubuting hintayin ang opisyal na resulta ng bilateral talks bago magbigay ng anumang pahayag tungkol sa posibleng mga kasunduan.
Bukod sa enerhiya at seguridad sa pagkain, inaasahan ding tatalakayin ng dalawang bansa ang pagpapalawak ng ugnayan sa turismo, edukasyon, kultura, agham at teknolohiya, at people-to-people exchanges.
Ang nakatakdang pagpupulong ay itinuturing na mahalagang hakbang sa pagpapalakas ng relasyon ng Pilipinas at Russia habang hinaharap ng dalawang bansa ang mga hamon at oportunidad sa nagbabagong pandaigdigang kalagayan.










