Inamin ng Office of Civil Defense (OCD) na wala nang nakikitang senyales ng buhay sa 36 kataong nananatiling nawawala mahigit isang linggo matapos ang magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa Mindanao noong Hunyo 8.
Sa isang press briefing, sinabi ni Bernardo Rafaelito Alejandro IV na batay sa mga ulat mula sa ground responders, maliit na ang posibilidad na matagpuang buhay ang mga nawawala, lalo na ang mga natabunan ng malalaking pagguho ng lupa.
Kabilang sa pinakamalubhang naapektuhan ang Barangay Patulang sa Jose Abad Santos, kung saan 10 katao ang iniulat na nawawala. Sa bilang na ito, pito umano ay mula sa iisang pamilya na natabunan ng landslide.
Ayon sa OCD, karamihan sa mga nawawala ay pinaniniwalaang nasa ilalim pa rin ng mga gumuhong lupa at debris sa Jose Abad Santos, isa sa mga lugar na pinakamalakas na tinamaan ng lindol.
Patuloy pa rin ang search, rescue, at retrieval operations sa mga apektadong komunidad, bagama’t nahaharap ang mga responder sa mahirap at mapanganib na kondisyon dahil sa patuloy na pagguho ng lupa at matatarik na lugar.
Samantala, umakyat na sa 65 ang kumpirmadong nasawi matapos marekober ang apat pang bangkay mula sa mga gumuhong istruktura at landslide-hit areas. Karamihan sa mga nasawi ay mula sa Davao Occidental, Sarangani, at General Santos City.
Batay sa pinakahuling datos ng OCD, aabot na sa 176,186 pamilya o tinatayang 738,386 indibidwal ang naapektuhan ng lindol. Sa kabuuang bilang na ito, 3,180 pamilya o 14,161 katao pa rin ang nananatili sa 37 evacuation centers, habang ang iba ay pansamantalang nakikitira sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan habang nagpapatuloy ang pagbangon ng mga apektadong komunidad.













