Umabot na sa 26 ang kabuuang bilang ng mga nasawi dulot ng habagat na pinalakas ng nagdaang Bagyong “Inday,” ayon sa pinakahuling sitwational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa tala ng ahensya, pinakamaraming naitalang nasawi sa Sarangani na may sampung biktima, sinundan ng Lanao del Sur na may pito. Naitala rin ang apat na nasawi sa Davao Occidental, tig-dalawa sa Zamboanga Sibugay at Bukidnon, at isa sa Iloilo.
Bukod sa mga namatay, siyam na katao ang naiulat na nasugatan habang 14 naman ang patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.
Patuloy ding nararanasan ang malawakang epekto ng sama ng panahon, kung saan mahigit 244,000 pamilya o higit isang milyong indibidwal sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang naapektuhan ng pagbaha, pagguho ng lupa, at iba pang insidente na dulot ng matinding pag-ulan.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang search, rescue, at relief operations ng mga lokal na pamahalaan at mga kaukulang ahensya upang matulungan ang mga naapektuhang residente at matunton ang mga nawawalang indibidwal.
Muling binigyang-diin ng NDRRMC ang kahalagahan ng maagap na paghahanda, pagsunod sa mga babala ng mga awtoridad, at pagtutulungan ng mga komunidad upang mabawasan ang panganib at pinsalang dulot ng mga kalamidad.













