-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ngayon ang malawakang retrieval at rescue operations ng mga otoridad sa Barangay Maan, Tboli, South Cotabato upang mahanap ang isang residenteng natabunan ng lupa matapos ang naganap na landslide na idinulot ng malakas na lindol noong Hunyo 8,2026.

Nabatid na umabot na sa tatlo ang nasawi sa lalawigan ng South Cotabato matapos ang mapaminsalang magnitude 7.8 na lindol kung saan sa opisyal na ulat, dalawa sa mga biktima ay mula sa bayan ng Tupi, habang ang isa naman ay mula rito sa bayan ng Tboli.

Dahil dito, mas pinalakas pa ang pwersa ng rescue team na naghuhukay sa gumuhong bundok upang marekober ang natabunan.

Ang isinasagawang Search and Rescue ay sa pangunguna ng MDRRMO-Tboli, Motorpool Unit, Bureau of Fire Protection (BFP), at ang mga sundalo mula sa 105th Infantry Battalion.

Katuwang din sa operasyon ang lokal na pulisya (PNP), PDRRMO, at ang Barangay Maan Council upang mapabilis ang paghukay sa makapal na putik at malalaking bato.

Bagamat mapanganib ang sitwasyon dahil sa banta ng aftershocks, hindi humihinto ang mga rescue workers sa pag-asang matatagpuan ang nawawalang biktima.