-- ADVERTISEMENT --

Umabot na sa 28 ang bilang ng mga nasawi sa pagguho ng isang siyam na palapag na gusali sa Balibago, Angeles City, matapos mabawi ng mga rescuer ang panibagong bangkay noong Sabado ng gabi.

Ayon sa mga awtoridad, alas-9:56 ng gabi noong Hunyo 6 nang marekober ang pinakahuling biktima mula sa ilalim ng mga guho. Ito ang unang bangkay na narekober matapos ang mahigit dalawang araw na walang natatagpuang karagdagang biktima sa operasyon.

Patuloy pa rin ang search, rescue, at clearing operations sa lugar habang sinisikap ng mga responder na matiyak kung may iba pang natabunan sa nasabing gusali.

Matatandaang madaling-araw ng Mayo 24 nang gumuho ang gusaling nasa ilalim ng konstruksyon, na nagdulot ng pagkakatabon sa mahigit 20 manggagawa sa proyekto.

Samantala, nagsampa na ng kaso ang pamahalaang panlungsod ng Angeles City laban sa may-ari ng gusali at sa contractor nito. Patuloy ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng pagguho upang matukoy ang pananagutan sa insidente.