Nilinaw ng Senate Management Information Systems Service (MIS) na isang teknikal na aberya at hindi sinadyang pagpapatay ng mga sistema ang dahilan ng pansamantalang pagkawala ng air conditioning sa Session Hall ng Senado.
Ayon sa ulat ng MIS, ang insidente ay sanhi ng pag-trip ng electrical circuit breaker ng Government Service Insurance System (GSIS), na nakaapekto sa operasyon ng centralized air-conditioning system. Naibalik naman ang normal na paggana nito bandang alas-6:20 ng gabi.
Kasunod ito ng mga reklamo mula sa ilang senador na nagsabing nawalan umano ng air conditioning at internet connection habang naghihintay ang ilang miyembro ng minorya para sa sesyon.
Gayunman, iginiit ng MIS na walang naitalang internet outage sa naturang panahon. Batay sa kanilang monitoring systems, nanatiling aktibo ang WiFi network at walang anumang indikasyon ng pagkakaputol ng serbisyo.
Ipinaliwanag din ng tanggapan na kung magkaroon ng internet failure, awtomatikong magpapadala ng alerts ang kanilang monitoring system sa pamamagitan ng SMS at email. Anila, walang ganitong alertong natanggap sa oras ng insidente.
Nauna nang inihayag ni Erwin Tulfo ang kanyang hinala na sinadyang patayin ang air conditioning at WiFi habang naghihintay ang minority senators ng sesyon. Subalit mariing pinabulaanan ito ng Senate technical team, na nagsabing gumagana ang mga sistema at walang ebidensiyang nagpapakitang may naganap na intentional shutdown.
Sa ngayon, itinuturing ng Senado na isang electrical issue ang naging sanhi ng aberya at hindi bahagi ng anumang sinadyang hakbang laban sa alinmang grupo sa kapulungan.













