-- ADVERTISEMENT --

Naniniwala ang House prosecution panel na matibay ang kanilang magiging laban sa Senado kaugnay ng impeachment case laban kay Sara Duterte, dahil sa umano’y sapat na ebidensyang nakalap laban sa bise presidente.

Ayon kay Gerville Luistro, lead prosecutor ng impeachment panel, handa ang kanilang kampo na patunayan ang apat na Articles of Impeachment sa oras na umusad ang paglilitis sa Senado. Kabilang sa mga isyung tinututukan ng prosecution ang paggamit ng confidential funds, umano’y unexplained wealth, bribery, at mga alegasyon ng pagbabanta laban sa matataas na opisyal ng pamahalaan.

Sinabi naman ni Lorenz Defensor na matagal nang inihahanda ng prosecution team ang kaso at nakaposisyon na silang magharap ng karagdagang mga testigo at dokumentaryong ebidensya kapag nagsimula ang trial.

Binanggit din ni Terry Ridon na maaaring ihain sa Senado ang ilang records mula sa BIR at Anti-Money Laundering Council na may kaugnayan umano sa bank transactions ni Duterte at ng kanyang asawa.

Samantala, ayon kay Joel Chua, gagamitin ng prosecution ang mga testimonya at ebidensyang nailatag na noon sa mga pagdinig ng Kamara hinggil sa umano’y pamamahagi ng cash envelopes sa ilang opisyal ng Department of Education.

Sa kabila ng mga pagtutol mula sa kampo ng bise presidente, iginiit ng House prosecutors na kumpiyansa silang mapatutunayan ang mga reklamong isinampa laban kay Duterte sa nalalapit na impeachment proceedings.