Ipinunto ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na hindi sapilitan para kay Vice President Sara Duterte ang pagdalo sa impeachment trial sakaling umusad ito sa Senado, ngunit mas makabubuti umano kung personal siyang haharap upang maipaliwanag ang kanyang panig.
Ayon kay Sotto, walang nakasaad sa umiiral na impeachment rules na nag-oobliga sa isang akusadong opisyal na dumalo sa paglilitis. Gayunman, binigyang-diin niya na ang presensya ng respondent ay nakakatulong sa mas malinaw at mas maayos na pagtalakay ng kaso.
Ikinumpara rin niya ang posibleng sitwasyon sa mga naunang impeachment cases sa bansa: si dating Pangulong Joseph Estrada na hindi nakadalo sa sarili niyang impeachment proceedings, at si dating Chief Justice Renato Corona na personal na humarap sa Senado bago tuluyang mahatulan at maalis sa puwesto.
Sa usaping proseso, sinabi ni Sotto na kung maipadala sa Senado ang impeachment articles, ito ay agad irereport sa plenaryo at idudulog sa committee on rules bilang bahagi ng pormal na hakbang.
Plano rin umano niyang magpatupad ng pre-trial bago ang aktuwal na paglilitis, na layong ayusin ang presentasyon ng ebidensya at maiwasan ang kalituhan sa proseso—isang hakbang na aniya ay batay sa naging karanasan noong 2012 impeachment trial ni Corona.
Giit niya, pinapayagan sa ilalim ng impeachment rules ang pre-trial at makakatulong ito upang mas maging maayos, organisado, at sistematiko ang magiging takbo ng paglilitis sa Senado.













