Hindi isinasara ng Department of Justice (DOJ) ang posibilidad na maaaring wala na sa kustodiya ng mga awtoridad sa Czech Republic ang dating kongresista na si Zaldy Co, sa gitna ng patuloy na beripikasyon sa kanyang kinaroroonan.
Ayon kay DOJ Secretary Frederick Vida, walang katiyakan kung nananatiling hawak ng Czech authorities si Co, kaya’t iginiit niya ang pangangailangang igalang ang umiiral na proseso at batas ng nasabing bansa. Sa ngayon, patuloy na kinukumpirma at bineberipika ng DOJ ang mga ulat hinggil dito.
Naipasa na rin ng DOJ ang mahahalagang impormasyon sa Philippine immigration at law enforcement agencies kaugnay sa sinasabing pagkakakustodiya ni Co sa Czech Republic. Samantala, isang grupo mula sa ahensya ang nakatakdang magtungo sa nasabing bansa upang magsumite ng karagdagang dokumento na magpapatibay sa hiling na maglabas ng red notice ang Interpol laban sa dating mambabatas.
Aminado ang DOJ na walang tiyak na timeline sa prosesong ito dahil sa umiiral na legal na sistema ng Czech Republic na kinakailangang sundin.
Matatandaang unang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagkakaaresto kay Co sa Czech Republic dahil umano sa kakulangan ng dokumento. Si Co ay nahaharap sa mga alegasyon ng anomalya kaugnay ng mga flood control projects.













