-- ADVERTISEMENT --

Inilahad ni Juanito Victor Remulla na maaaring abutin ng isa hanggang tatlong linggo bago maibalik sa Pilipinas si dating Ako Bicol Party-list Representative na si Elizaldy Co mula sa Czech Republic.

Naaresto si Co sa Prague matapos umano siyang mahuli na walang sapat na travel documents habang sinusubukang tumawid papuntang Germany. Dahil dito, ibinalik siya sa kustodiya ng Czech authorities at kasalukuyang inaayos ang proseso ng kanyang deportation.

Ayon kay Remulla, nakasalalay ang bilis ng kanyang pagbabalik sa koordinasyon ng Department of Foreign Affairs at ng mga awtoridad sa Czech Republic. Dagdag pa rito, may komplikasyon sa proseso dahil kanselado na ang kanyang Philippine passport.

Batay sa ulat, nakabiyahe na si Co sa ilang bansa sa Europa bago siya naaresto, at pinaniniwalaang dumaan pa sa France bago makarating sa Czech Republic.

Nahaharap si Co sa mga kasong graft at malversation kaugnay ng umano’y iregularidad sa P289.5 milyong flood control project sa Oriental Mindoro. Itinuturing na rin siyang “fugitive from justice” ng Sandiganbayan matapos umano siyang hindi umuwi sa bansa upang harapin ang mga kaso.

Kapag naibalik na siya sa Pilipinas, ihaharap siya sa Sandiganbayan para sa arraignment at maaaring ikulong sa Camp Crame habang dinidinig ang kanyang kaso.

Samantala, sinabi ng Malacañang na handa si Ferdinand Marcos Jr. sa anumang magiging pahayag ni Co, at iginiit na dapat managot ang sinumang mapatunayang sangkot sa flood control corruption scandal.