-- ADVERTISEMENT --

Inihayag na posibleng mangailangan ang Department of Agriculture (DA) ng karagdagang P40 bilyong pondo kung magpapatuloy ang krisis sa langis.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Laurel Jr., kasalukuyan ay mayroon lamang P150 milyon ang ahensiya para sa fuel subsidy, bukod pa sa P10 bilyon mula sa Presidential Assistance to Farmers and Fishermen.

Para naman sa pataba, sinabi niyang aabot sa P30 bilyon ang kinakailangang pondo, at sa ngayon ay kalahati na lamang ng kanilang budget para dito ang natitira.

Dagdag pa niya, kailangan din ng karagdagang P20 bilyon para sa mga rice farmer at P10 bilyon upang masuportahan ang mga mangingisda.

Nauna nang tinaya ng DA na maaaring umabot sa hindi bababa sa 20% ang pagkalugi sa agricultural products, katumbas ng humigit-kumulang dalawang milyong metriko tonelada. Ipinunto rin na kulang pa ang kasalukuyang mga hakbang ng pamahalaan upang ganap na matugunan ang epekto ng krisis sa langis.