Nagpaalala si Ferdinand Marcos Jr. sa publiko na umiwas sa pag-hoard ng diesel, lalo na ang mga may kakayahang bumili nang maramihan, sa gitna ng kasalukuyang isyu sa suplay ng langis.
Ayon sa Pangulo, dapat lamang mag-imbak ng gasolina ang mga may lehitimong pangangailangan, tulad ng mga mangingisda, marine equipment operators, ospital, at iba pang umaasa sa generator set para sa kanilang operasyon.
Mariin din niyang kinondena ang mga insidente ng fuel theft at iba pang iregularidad na may kaugnayan sa langis. Aniya, nakababahala at nakagagalit ang mga ulat ng pananamantala, kabilang ang mga motorista na tumatakas matapos magpakarga ng gasolina nang hindi nagbabayad, pati na ang ilegal na paglilipat ng diesel sa mga pribadong sasakyan.
Binigyang-diin din ni Marcos ang panganib ng hindi wastong pag-iimbak ng diesel, na maaaring magdulot ng sakuna at ilagay sa alanganin ang kaligtasan ng mga komunidad. Hinimok niya ang publiko na isaalang-alang ang kapakanan ng kanilang mga kapitbahay at iwasan ang mga gawaing maaaring magdulot ng peligro.
Sa huli, nanawagan ang Pangulo ng bayanihan at pagiging patas sa kapwa, iginiit na hindi dapat samantalahin ang sitwasyon para sa pansariling interes. Aniya, “Sa paghahanap natin ng ginhawa, huwag naman sana tayong manlamang sa kapwa. Hindi ganyan ang Pilipino.”













