Nasugatan ang 73 sibilyan, kabilang ang mga babae at bata, sa magkakasunod na pag-atake ng Houthi rebels sa ilang southern provinces ng Saudi Arabia.
Ayon sa Saudi-led coalition sa Yemen, tinarget ng mga Houthi ang mga civilian at economic sites sa Abha, Khamis Mushait, Jazan at Najran.
Inilarawan ni coalition spokesperson Major-General Turki al-Maliki ang mga pag-atake bilang seryosong paglala ng tensyon at paglabag sa soberanya ng Saudi Arabia. Nagbabala ang coalition na gagawa ito ng kinakailangang hakbang laban sa mga Houthi at sa pinagmumulan ng banta.
Kasabay nito, sinabi ng mga Houthi na nagsagawa umano ang Saudi Arabia ng airstrike sa detention facility sa al-Hazm, al-Jawf, na ikinasawi umano ng pitong katao, kabilang ang isang bata, at ikinasugat ng pito pa. Hindi pa tumutugon ang Saudi Arabia sa alegasyon.













